Aminado ang Malacañang na mayroong nawala sa bansa sa pagkansela sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na kahit papaano ay mayroong kawalan ang gobyerno sa kinanselang kasunduan subalit mas malaki ang pagkadehado ng Pilipinas.

Mas nakinabang aniya ang Amerika sa VFA kaysa sa Pilipinas kaya nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin na ang kasunduan.

“Alam mo, mayroon – maaari bang wala, siyempre mayroon dahil umasa tayo from the very beginning. Parang ano iyan, hindi ba iyong military bases agreement, ang daming sinasabi, mga gloom scenario. May nangyari ba? Wala naman ah, ganiyan talaga iyan!,” ani Panelo.

Inihalintulad ng kalihim sa mag-asa­wang naghiwalay ang sitwasyon ng Pilipinas at Amerika pero hindi aniya ibig sabihin nito na katapusan na para sa bansa.

Sinabi ni Panelo na mismong ang Pangulo ang nagsabi na panahon na para tumindig sa sa­rili para huwag palaging umasa sa ibang bansa.

“Parang ano iyan, mag-asawa na naghiwalay. Eh hindi naman namamatay ang — tama na iyan. Baguhin na natin ang attitude natin diyan. Kaya natin iyan! Palagi nagsu-survive at lalo pang gumaganda nga ang buhay natin eh,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)