Dumistansiya ang Malacañang sa inilabas na listahan ni presidential son Paolo ‘Pulong’ Duterte na naglalaman ng pangalan ng mga personalidad at mga kompanyang nais umanong magpabagsak sa Duterte administration.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi alam ng Palasyo ang inilabas na listahan ni Pulong at iginagalang ­aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan sa malayang pamamahayag.

Naniniwala ang kalihim na mayroong dahilan ang dating vice mayor kaya inilabas ang listahan ng mga nagtatangkang magpabagsak sa gobyerno.

“We are not privy to the list issued by the former vice mayor. The President always respects the freedom of expression. The vice mayor then may have some reasons for issuing such a list. We do not know,” ani Panelo.

Para sa mga tinamaan at mga pangalang nasa listahang inilabas ni Pulong, sinabi ni Panelo na maaari namang pabu­laanan ng mga ito ang paratang dahil malaya ang sinuman na gawin ito dahil sa umiiral na demokrasya sa bansa.

“Anybody who feels aggrieved, they can always refute the allegations contained in the list. That is the beauty of democracy,” dagdag pa ni Panelo.

Kaugnay sa posibilidad na kausapin ng Pa­ngulo ang kanyang anak hinggil sa expose nito, sinabi ni Panelo na hindi niya gagawin ito dahil nirerespeto nito ang mga desisyon ng kanyang mga anak ­pagdating sa kanilang prinsipyo at ­pananaw sa politika.