Palasyo ‘di kinukunsinti ang threat ng social media users

martin-andanar

Binigyang-diin ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na hindi kukunsintihin ng administrasyong Duterte ang mga bayolenteng asal partikular na ang mga pagbabanta sa mga miyembro ng media.

“Ang gobyerno ho natin ay hindi po ine-encou­rage iyong mga ganyang klase… ganyang klaseng mga pa­tutsada, ganyang klaseng attitude, behavior na bayolente,” paghahayag ni Andanar sa isang panayam kahapon matapos hingan ng reaksyon kaugnay sa mga natanggap na pagbabanta sa social media ng ilang miyem­bro ng Malacañang Press Corps (MPC) mula diumano sa ilang bloggers na supporter ng administrasyon.

Ayon kay Andanar, ang PCOO ang unang nagtataguyod sa seguridad ng media at bilang katibayan aniya ay ang ginawang pagbuo sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pinamumunuan ni Undersecretary Joel Egco.

“Kaya nga po ang PCOO is the number (one) advocate at champion media security, kaya nagkaroon tayo ng Task Force on Media Security,” ani Andanar.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Andanar ang media practitioners na nakakatanggap ng mga pagbabanta na makipag-ugnayan sa PTFoMS para sa kaukulang aksyon.