Dumistansiya ang Malacañang sa muling pagkatalo ng gobyerno sa kasong may kinalaman sa ill-gotten wealth laban sa pamilya Marcos.

Ito ay makaraang ibasura ng Sandiganbayan 4th Division ang kasong paghahabol sa tinatayang P267 milyon na pinaniniwalaang bahagi ng umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos na ang ginawang dummy ay ang mag-asawang Fe at Ignacio Gimenez.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi nakikialam ang Duterte administration sa panloob na usapin ng Hudikatura at igagalang nila ang naging desisyon ng Sandiganbayan.

Binigyang-diin ni Panelo na dapat na masunod ang rule of law sa mga korte ano man ang estado ng inaakusahan sa lipunan.

Ito ang ikatlong naiba­surang kaso ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban sa pamilya Marcos na naatasang mag­habol at bumawi sa mga pinaniniwalaang nakaw na yaman ng mga ito simula noong 1987 matapos mapatalsik ang dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang kaso ay naibasura dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya ng mga abogado ng gobyerno. (Aileen Taliping)