Kinontra ng Malacañang ang pahayag ni da­ting Pangulong Benigno Aquino III na hinaharas siya ng Duterte administration sa pamamagitan ng mga isyung ikina­kabit sa kanya tulad ng Dengvaxia vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang naging posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hintaying matapos ang imbestigasyon para malaman kung sino ang mga dapat habulin at panagutin sa palpak na vaccination program ng dating administrasyon.

Wala aniyang narinig mula kay Pangulong Duterte na sinumbatan nito ang dating Presidente kaya’t malabo ang paha­yag ni dating Pangulong Noynoy na siya ay hina-harass ng kasalukuyang administrasyon.

Sinabi ni Roque na malaking bagay na humarap ang dating Presidente sa imbestigasyon ng senado para mabatid kung ano ang naging papel nito sa pagbili ng Dengvaxia vaccines sa panahon ng kanyang termino.

“Well, wala pong nangha-harass sa kaniya, kasi ang posisyon ng Pre­sidente ay hayaan matapos ang imbestigasyon. Kung siya ay hinarass, ni minsan ay hindi nagsalita laban sa kaniya ang Presidente tungkol sa isyung ito. If at all, sinabi pa nga ni Presidente, I would have probably done the same thing. So sino ang nagha-harass sa kaniya? Not the President. Ang Presidente has always been level-headed. Let the investigation proceeds, and we will act after the investigation.”

Pero mabuti rin na humarap siya dahil kung hindi naman siya magsasalita, hindi malalaman ng mga nag-iimbestiga kung ano talaga ang dapat niyang pananagutan. Pero ngayong natapos na ang Senado at magkakaroon sila ng rekomendasyon at umuusad din ang imbestigasyon ng NBI, nagsalita na si Presidente noong isang gabi lamang ‘no, aantayin niya ang resulta at kung anuman ang resulta, ipapatupad niya ang batas,” ani Roque.

Tatlong buwan aniyang umusad ang imbestigasyon ng Senado dahil Disyembre 2017 nang pumutok ang sablay na bakuna kontra dengue sa ilalim ng Aquino admi­nistration at natutuwa ang Palasyo dahil natapos na ang komite ni Senador Dick Gordon sa kanyang imbestigasyon.