Pinayuhan ng Malacañang si Rappler chief executive officer Maria Ressa na paghandaan na lamang ang depensa sa korte sa halip na igiit ang isyu ng press freedom sa muling pag-aresto sa kanya ng mga awtoridad kahapon.
May kinalaman ito sa kasong paglabag ng Rappler sa Anti-Dummy Law matapos lumitaw sa imbestigasyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na gumamit ito ng dummy sa kanyang kompanya na kontrolado ng dayuhan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dumaan sa due process ang kaso ni Ressa at nadetermina ng hukom na may basehan ang kaso laban sa kanya.
“She cannot be complaining that this is again a violation of press freedom. Press freedom has nothing to do with the charges against Miss Ressa. She is charged of a crime and there is a determination of a probable cause, hence a warrant of arrest has been issued,” ani Panelo.
Binigyang-diin ni Panelo na lahat ay pantay-pantay sa batas at hindi maaaring iba ang magiging pagtrato kay Ressa.
Maayos aniya ang naging pagsisilbi ng warrant of arrest kay Ressa ng mga awtoridad kaya huwag niyang palakihin ito para magmukhang kontrabida ang administrasyon.
“She’s complaining again that she’s being arrested. All are equal before the law. She wants to be treated differently, that cannot be done. All warrants of arrests issued by competent courts are to be served the way it was served to her,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)