Palasyo malamig sa class suspension sa SEA Games

Pag-aaralan ng Malacañang ang mungkahi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na suspendihin ang klase sa Metro Manila sa panahon ng South East Asian (SEA) Games.

Ito ay upang mabawasan ang traffic sa Metro Manila at hindi maabala ang pag-escort sa sasakyan ng mga athlete na sasabak sa mga palarong gagawin sa Metro Manila.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangang may magandang rason ang DILG para makumbinsi ang Malacañang na isuspinde ang pasok ng mga estudyante sa Metro Manila dahil hindi naman lahat ng mga kalsada ay dadaanan ng mga atletang kalahok sa SEA Games.

“If they are proposing that, there must be some good reasons for that. Eh, we’ll have to know the reasons why – the whys and the wherefores. Ano buong SEA Games? I don’t know how many will be using the streets of Manila for that purpose. Hindi natin alam. They have to explain to us why,” ani Panelo. (Aileen Taliping)