May himig ng pagdududa ang isang opisyal ng Malacañang sa pangako ni Transportation Secretary Arthur Tugade na mareresolba ang problema sa Metro Rail Transit-3 (MRT-3) pagkatapos ng Semana Santa sa Marso.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na panghahawakan ng Palasyo ang ipinangako ni Secretary Tugade na magkakaroon ng makatotohanang pagbabago sa serbisyo ng MRT 3 sa unang quarter ng taon.

Hindi aniya kaila sa publiko ang araw-araw na kalbaryo ng mga commuter lalo na kapag nagkakaaberya sa biyahe ng MRT 3.

Para na rin umanong penitensiya ang mahabang pilang dinaranas ng mga pasahero para sumakay lamang ng MRT at mas dobleng malas kapag nagkaaberya ang sinakyang train .

“Ang sabi po ni Secretary Tugade eh pagkatapos daw ng  semana santa, matatapos na ang  ating litanya at magkakaroon na tayo ng substantial improvement po diyan. And I have no doubts that he will fulfill his words,” ani Roque.

Dahil sa panay-panay na aberya sa MRT ay hinihiling ng ilang grupo at maging ng ilang mambabatas na magbitiw na lamang sa puwesto si Tugade dahil wala pa ring nagagawang solusyon sa dinatnang problema sa MRT pagkatapos ng mahigit isang taon na nito sa puwesto.