Palasyo tiklop sa pagharang ng HK kay Morales

Wala umanong ba­lak ang pamahalaan na kuwestiyunin ang gina­wang pagpigil ng mga Chinese Immigration official para makapasok ng Hong Kong si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, wala umano siyang alam na dahilan kung bakit idineklarang ‘security threat’ si Morales maliban sa sinampahan nito ng reklamo si Chinese President Jinping Xi sa International Cri­minal Court (ICC).

Sinabi ni Guevarra na kung anuman ang ginawang aksyon ng mga Chinese Immigration official ay hindi nila ka­yang pakialam.

“Regardless of the reason, however, we may not question the action taken by Chinese immigration officials, as the entry of foreigners or the refusal thereof is the exclusive and sove­reign prerogative of any country,” paliwanag ni Guevarra.

Sa kabila nito, pinakilos ng Malacañang ang Philippine Consu­late sa Hong Kong para sa maayos na biyahe pa­balik sa Pilipinas ni Morales at ng pamilya nito.
Tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na tutulu­ngan ng gobyerno si Morales gaya ng pagtulong sa sinomang Pilipino na nangangailangan ng tulong habang nasa ibang bansa.

Sinabi ng kalihim na igagalang ng gobyerno ang mga batas at panun­tunan sa immigration ng ibang bansa at inaa­sahang ganoon din ang gagawing pagtugon at pagrespeto nila sa panloob na polisiya ng Pi­lipinas.

Si Morales ay kasama ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na nagsampa ng reklamo laban kay Xi sa ICC kaugnay sa kasong crimes against humanity dahil umano sa pagkontrol ng China sa West Philippine Sea kung saan isa ang Pilipinas sa mga may inaangkin na teritoryo. (Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping)