Palayain si De Lima, giit ng minorya sa Senado

leila-de-lima

Hinimok ng minority bloc sa Senado na sumunod ang gobyerno sa rekomendasyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na palayain na si Senador Leila de Lima.

“The Philippines as a member of the UNHRC must faithfully comply with its obligation to promote, protect and uphold the human rights of all regardless of sex, race, religion, or political beliefs, and opinions,” nakasaad sa Se­nate Resolution No. 1019 na inihain ng minority bloc nitong Biyernes.

Lumagda sa resolusyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Francis Pangi­linan, Antonio Trillanes IV, Bam Aquino, at Risa Hontiveros.

Nauna nang hinimok ng UNCHR ang pamahalaan ng Pilipinas na remedyuhan ang mga kasong kinakaharap ni De Lima alinsunod sa Universal Declaration of Human Rights at International Cove­nant on Civil and Political Rights.

Hiniling ng UNCHR na palayain ang senador mula sa hindi makatarungan na pagkakakulong nito sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame kaugnay ng mga kinakaharap na kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Nanawagan din ang UNCHR ng independent investigation sa kaso ni De Lima.

Iginiit ng minority bloc sa Senado na hanggang ngayon hindi pa rin nakakatanggap ang UNCRH ng kasagutan mula sa pamahalaan ukol sa inihaing rekomendasyon nito.