Palit-puri sa droga, kalakaran ng pulis

Kinondena ng isang mambabatas at grupo ng kababaihan ang kaso ng isang pulis-Maynila na inakusahan ng panggagahasa sa isang 15-anyos na dalagita kapalit ng pagpapalaya sa mga magulang nito na inaresto sa iligal na droga.

Labis ang galit ng Gabriela at ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago dahil sa naging pangangatwiran diumano ni PO1 Eduardo Valencia na kalakaran na sa mga operasyon kontra droga ng pulisya ang panggagahasa.

Nag-ugat ito sa viral video kung saan habang kinokompronta ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar si Valencia ay narinig ang pangangatiwran nito na parang sinasabing hindi na bago ang ganitong kalakaran sa pulisya.

Nanawagan ang Gabriela na panagutin si Valencia at ang mga superior nito sa nasabing kaso ng panggagahasa.

Hindi na umano kataka-taka ang pag-amin ni Valencia dahil sa notoryos talaga ang mga pulis sa ganitong uri ng karahasan sa kababaihan.
“Sa katunayan, may signipikanteng bilang na ng mga kaso ng panggagahasa at iba pang pang-aabuso sa kababaihan ng mga pulis at mga militar na naibalita o idinulog sa Gabriela sa mga nakaraang taon,” pahayag ng Gabriela.

Pinuna rin ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago na tila na­ging standard operating procedure o SOP na umano sa PNP ang paglabag sa karapatang pantao.

“Apparently for the PNP, violating human rights is standard ope­rating procedure. Kil­ling youths in cold blood, running over protes­ters, sexual harrassment, rape of minors – and worse, justifying even the most brutal of acts – are normal for these warm-blooded but cold-hearted sycophants,” pahayag pa ni Elago.

Ipinahayag naman ni PNP Director General Oscar Albayalde sa pa­nayam sa telebisyon kahapon na kahit sinampahan na ng kasong rape at administratibo si Valencia ay mag-iimbestiga pa rin ang PNP para malaman ang katotohanan sa depensa nito na gawa-gawa lang ang bintang na panggagahasa sa kanya.

Kinuwestyon din ni Albayalde kung bakit nasabi ni Valencia na kalakaran na ang ganitong modus sa kampan­ya kontra droga dahil may dalawang taon pa lang umano ito sa serbisyo.

Idinagdag pa ni Albayalde na kasama rin sa iimbestigahan ng pamunuan ng PNP ang immediate superior ni Valencia kung mayroon pa itong kasabwat.

“Meron pong nangyaring ganyan, actually marami na rin pong na-dismiss na pulis because of counter charges, pero titingnan natin ito kung ito ay alibi lang niya. Hindi naman po tayo puwedeng basta-basta maniwala doon sa kanyang alibi,” paliwanag ni Albayalde.