Sa kabila ng madalas na pagkakasakote ng illegal drugs at pagkaka-diskubre ng mga shabu laboratory, parang mas lalo pang lumakas ang bentahan.

Hindi tayo nagtataka kung lumaganap ang drug addiction, ito ay dahil may mga protector mismong pulis na siyang nagpa­lakas ng loob ng mga drug supplier.

Kung hindi man pusher mismo o kaya ay protektor ang mga pulis na ito, sila naman ‘yung mga walang ginawa upang sugpuin ang iligal na droga sa kanilang nasasakupan.

Sila ‘yung mga pabaya, tamad o kaya ay takot na kumanti sa mga drug pusher at supplier sa kanilang nasasakupan.

Maaring hindi nga sila involved sa drugs, pero inutil naman sila sa pagsugpo dito sa kabila ng kapangyarihan na iniatas sa kanila.

Para kay Quezon City Police District Director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang problema ng droga sa bansa ay maihahalintulad sa kanser.

Kagaya ng kanser na isang malalang karamdaman, ang problema ng droga ay malala na rin sa bansa.

Dahil dito, naniniwala si Eleazar na mangangaila­ngan ng aksyon na higit pa sa operasyon, para ang kanser na droga ay magamot.

Sa paniniwalang ito, nagpasya si Eleazar na magsagawa ng internal cleansing, sa madaling salita, palitan ang mga pulis na nasa pwesto lalo na iyong mga maituturing na nasa ‘frontline’ ng laban kontra droga. Dapat lang na palitan lahat para walang maiwan na may koneksyon.

Ang paraang ito, kumbaga sa paggamot ng sakit ay maituturing na transplant. Dagdag nga ni Director Eleazar, “Ang asset ng PNP ay tao, kami at mga tao namin. Kung malubha na ang sakit at nagkahawa-hawa na, dapat palitan na ang mga tao.”

Kinakailangan kasing alisin ang mga nabigong tumupad sa tungkulin para palitan ng mas aktibong mga tauhan at opisyal na magseseryoso sa laban kontra droga.

Katunayan, nito lamang Miyerkules, July 27, sinibak ni Eleazar ang 88 tauhan ng Anti-Illegal Drug Units ng QCPD, alinsunod na rin sa rekumendasyon ng mga station commander.

Tinanggal din ni Eleazar ang 53 tauhan na bumubuo sa Anti-Illegal Drugs ng QCPD Station 6.

Nuong July 1, tatlumpu’t lima ang kanyang inalis at inilipat sa Mindanao. Tinutupad lamang niya ang mandatong iniatang sa kanya, at ito raw ang kanyang mas magagampanan kung sa mismong hanay nila ay may nagaganap ding pagbabago lalu pa’t ang sinasandalang prinsipyo ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagsusulong ng tunay na pagbabago.

Bagama’t masakit para sa kanya ang pagsibak sa kanyang sariling mga tauhan, hindi siya maaring makaramdam ng demoralisasyon, lalu pa’t kontaminado na rin ng droga ang hanay ng pulisya.

Kumbaga sa paggamot sa kanser, masakit na pro­seso man ang gamutan gaya ng chemotherapy, ito ay kinakailangang gawin para masagip ang bansa mula sa malalang problema ng droga.

Batid din ni Eleazar na sa pamamagitan ng ganitong proseso, maibabalik ang tiwala at respeto ng publiko sa pulisya.

Tinitiyak din niya na sa bawat ikinakasang operasyon ng QCPD laban sa mga hinihinalang tulak at miyembro ng sindikato ay nasusunod ang due process.

Dapat ding subaybayan nila ang mga nagpapanggap na vigilante. Baka kasi kabilang sila sa mga police escalawag na sinibak niya at inilipat sa ibang lugar at kaya sina-salvage nila ang kanilang mga kasamahan para hindi na sila mai-kanta.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit limang libo ang mga sumukong tulak at lulong sa droga, habang 444 naman ang kanilang naaresto at ang mga napatay sa engkwentro ay 31.

Naniniwala rin si Eleazar na kinakailangang masunod ang due process at mapangalagaan ang karapatan ng mga suspek, pero sa puntong manlalaban ang suspek, saka lamang naman napipilitan ang mga pulis na gunamit ng baril.