Palitan ng text message susi sa killer ng abogada

Posibleng malutas umano sa lalong madaling panahon ng pulisya ang kaso ng isang dalagang abogada na pinatay sa saksak ng kanyang ka-eyeball sa Las Piñas City noong Martes ng madaling-araw.

Ito’y makaraang makipag-ugnayan na sa pulisya ang abogada rin na kapatid ng 31-anyos na biktimang si Atty. Charmaine Mejia at ibinigay ang isa pang cellphone ng biktima na makakatulong para matukoy ng mga awtoridad ang suspek sa krimen.

Base umano sa nakasaksi sa krimen ay isang lalaki ang suspek sa pamamaslang.

Sa panayam kahapon kay Colonel Simnar Gran, hepe ng Las Piñas City Police, may person of interest na silang tinututukan at kanila itong iimbitahan anumang araw upang hingan ng paliwanag kaugnay sa nangyaring krimen.

Nagsagawa rin kahapon ng case confe­rence ang Las Piñas Police upang pag-aralang mabuti ang palitan ng text message ng biktima at ng suspek.

“Posibleng kilala ng biktima ang suspek dahil ito ang ka-text nito nang magtungo sa lugar,” ani Gran.

Hawak na rin ani­ya ng pulisya ang closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng krimen na posibleng makatulong sa isinasagawang imbes­tigasyon para matukoy ang suspek.

Sinabi pa ni Gran na sa kanilang teorya ay maaaring na-setup ang biktima.
“Sa aming theory parang na-setup siya kasi considering na siya ay babae, pangalawa galing ito sa Mandaluyong, pangatlo ‘yung lugar na pinangyarihan ay hindi masabing liblib pero hindi naman masyadong prominent na daanan at hindi naman naiilawan at madilim sa lugar,” ani Gran. (Armida Rico)