Malapit sa puso ko ang Palo, Leyte. Isa ‘yan sa mga na-cover kong lugar nang humagupit ang bagyong Yolanda sa probinsiya noong 2013. Mas naging makasaysayan at tumatak sa akin ang lalawigan dahil isa ako sa mga mapapalad na reporter na nag-cover ng Papal Visit noong 2015.

Personal kong nakita kung gaano katatag ang loob ng mga taga-Palo. Unti-unti at sama-sama silang tumayo mula sa pananalasa ng super bagyo.

Ngayong may krisis sa kalusugan ang buong mundo kabilang ang Pilipinas, nakatutuwang ibalita na handang tumulong sa kapwa nila ang mga taga-Palo.

Gusto ko lang i-flex ang mga batang lider at advocates ng bayan ng Palo na nakaisip ng proyektong ‘PALOve As One Project’.

Layon ng proyektong tulungan ang mga kapwa nila Palon-on, lalo na ang mga nasa marginalized at basic sectors na higit na apektado ng COVID-19 pandemic. Maraming pamilya kasi ang naapektuhan ng malawakang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa unang bugso ng mga nakalap na donasyon, nakapagbigay na ang grupo ng ayuda sa mahigit 60 pamilya sa Barangay San Jose at Barayong Palo, Leyte. Kabilang sa relief packs ang limang kilong bigas, dalawang kilong gulay, tig-isang lata ng sardinas at corned beef, tig-isang puch ng toyo’t suka, isang face mask, snacks at isang bote ng alcohol.

Hindi rin mapagsidlan ng tuwa ang mga piling PWDs o Persons with Disabilities at pedicab drivers na nabigyan ng tulong. Nakapagbigay na rin ang grupo nila ng snacks sa mga frontliner na naka-duty sa mga border ng Palo. Sa ngayon, tuluy-tuloy ang pangangalap ng pondo ng grupo para wala ring patid ang pagtulong nila sa mga nangangailangan. Target ng grupo na makapagbigay rin ng Personal Protective Equipment (PPE) sa mga medical practitioner sa kanilang lugar.

Mga batang Palon-on, saludo ako sa inyo!