Ilang araw na lang, gugunitain na natin ang mga namayapang mahal sa buhay. Hayaan n’yong isa-isahin natin ang mga paniniwala at tradisyon tuwing may burol o namatay na mi­yembro ng pamilya. Likas na sa kulturang Pilipino ang maniwala at kumapit sa mga pamahiin.

Sa Ilocos region, ipinagbabawal umano ang pagkain ng malunggay sa burol. Kapag iniha­handa kasi ito, isa-isa at sunod-sunod na tinatanggal ang mga dahon sa tangkay. Kaya sa paniniwala nila, posibleng may sumunod na mamatay sa pamilya.

Sa TV interview ng Balitanghali sa GMA News TV, sinabi ni Professor Jim Naval, isang anthropologist, na posibleng iniuugnay ng mga Ilokano ang kanilang buhay sa malunggay. Puwede naman daw kumain o humigop ng sabaw ng malunggay matapos ang pa-siyam ng yumaong kaanak.

O ‘di naman kaya’y huwag nang isa-isang alisin ang mga dahon nito at iluto na lang ang malunggay nang nasa tangkay pa.

Paniniwala naman ng mga taga-Cavite, lagyan ng pera ang kamay ng yumaong kaanak. Tiyakin lang na kukunin ito bago ihatid ang nama­yapa sa huling hantu­ngan. Sinasabing may hatid na suwerte ang perang inilagay sa kamay ng yumao.

Sa ibang parte ng lalawigan, naghahagis naman ng babasa­ging kasangkapan gaya ng baso, plato o bote oras na mailabas na ang ­kabaong mula sa loob ng bahay – paraan daw ito para walang sumunod na mamatay sa hanay ng pamilya.

Sa Batangas naman, tinatakpan ang salamin na naka-display malapit sa kabaong. Masama raw kasing makita sa repleksyon ng salamin ang yumao. Ibig sabihin daw nito’y doble kamalasan o trahedya. Posibleng may sumunod agad na mamatay sa pamilya.

Kapag inilabas ang kabaong mula sa loob ng bahay, dapat unahin ang bahagi kung saan naroon ang ulo ng ­patay. Sabi ni Naval, gaya ng pagsilang sa atin – ulo ang unang iniluwal. Ganito rin daw dapat kapag namayapa na ang isang tao – ulo rin ang unang ilalabas.

Sa Leyte naman, nakaugalian nang ilabas ang kabaong mula sa bintana ng bahay para raw sa ikapapanatag ng kaluluwa ng namayapa.

Ang sa akin lang, hindi masamang maniwala sa mga tradisyong Pilipino. Pero huwag din naman tayong magpakulong sa mga pamahiin. Hindi lahat ng nakaugalian, tama. Mas importante pa ring manatili ang pananampalataya natin sa Poong Maykapal na siyang lumikha ng sanlibutan. At siyempre, huwag kalimutang mag-alay ng panalangin sa mga namayapang mahal sa buhay.