Juice colored! Ang mga haka-haka at imahinasyon ng ibang mga nilalang, kung hindi nakakapagdabog ng bangs, nakakapag-unat ng kulot na buhok.

Ang diva that you love, ilang personal messages ang tinatanggap na ang mga hanash at kuda, wala sa hulog at katwiran.

Sample number one, “Madam, hindi kaya palabas ng network ang lahat para makisimpatiya ang publiko? Saka feeling ko, bait-baitan lang iyan si Kim, tiyak may kaaway iyan kaya ganyan ang ginagawa sa kanya. Buti nga para tumigil na siya sa kaplastikan niyang sweet at pabebe.”

Ang isa pa: “Diva, hindi ba kataka-taka na after niyong ratratin, pumasok ka pa rin at nagtrabaho? Patawa ka noh. Bakit hindi siya nagpa-blotter?

Bakit hindi muna siya umuwi sa kanila para mas safe? Ang script, ang ganda ah.”

Panghuling nakakarimarim na halimbawa: “Alam niyo Ms. Alwyn, pakana lang ng ABSCBN iyan. Style nila bulok! Hindi uubra kay tatay Digong iyan. Ginamit niyo pa si Kim Chiu para maawa sa inyo ang mahal na tatay Digong at i-renew ang franchise ng station niyo! Yes to ABS-CBN shutdown!”

Ang mga ito ay tatlo lamang sa sangrekwang personal na mensahe na aking tinanggap na hindi ko mapaniwalaan dahil parang ang mga sumulat ay wala na yata sa katinuan dahil sa bulag na pananampalataya sa kanilang poon.

Siyempre pa, hindi ko na pinatulan. Matapos kong gawing halimbawa sa aking pitak ang kanilang mga nakakasulasok na mga hanash, blocked ko silang lahat. At marami-rami sila, huh.

Sa true lang, hindi kailangan ng ABN-CBN ang diversionary tactic o mag-paawa effect para ilaban ang kanilang prankisa. At mas lalong hindi nila gagawing “sacrificial lamb” si Kim Chiu. May konsensya po sila. May prinsipyo, Alam ang tama sa mali.

Hindi ko po alam kung saan galing ang inyong mga kuda at hanash pero hindi lang po kayo nakakabahala, nakakatakot na po ang inyong mga imahinasyon. You guys need counselling and guidance, SERIOUSLY!

Walang K na maging ninong, ninang ng Richard -Sarah wedding

Maraming mga dalahira at katkatera ang having na naman their fiesta day kasi nga, sukang-suka sila sa mga ilang ninong at ninang nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati.

Alam naman natin na ang mga godparent ay dapat tumayong pangalawa mong magulang kaya ang mga kumukuda at humahanash, takang-taka at gustong mahibang na minsan sa kanilang buhay politiko ay nagkasala sa pandarambong eh karapat-dapat na maging godparents ?

Kaya sa mga dalahira at katkatera, loser ang ganyang set of ninong at ninang, hindi iyan dapat ipiningangalandakan at these people and whatever they represent, must be avoided.

Well, naway maging maluwalhati nga ang pagmamahalan, romansa at relasyon ng mga Gutierrez, Of course, we wish them well.

Vico nagulat kay Coney

“Oh my” iyan ang reaksyon ni Vico Sotto sa Tiktok Video ni Ms. Coney Reyes, ang kanyang mommy dearest.

In fair Verona sa nanay ni Sotto, may the moves ito at hindi asiwang panoorin ang kanyang pagsasayaw.

Sa true lang, sosyalin na sosyalin at marami ang talagang kinagiliw ang reaksyon ni Vico. Damang-dama mo kasi ang pagkagitla at pagkabigla nito na ang nanay niya ay nakikisabay na rin sa uso.

Sa true lang, marami ang nagnanasa na si Vico ay maging guest sa “Huwag Judgemental” segment sa “Eat Bulaga” lalo na nga’t si Yorme Isko Moreno ay naging panauhin na rin sa nasabing talk of the town EB portion.

Panalong-panalo na sina Vico Sotto and Vic Sotto in one frame sa telebisyon habang ang binata, hinuhusgahan at pumipili sa mga taong laging may nakakaantig na kwento tungkol sa kanilang mga buhay, hindi ba naman?