Mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang ginawang pagpatay ng mga ‘di kilalang salarin kay Oscar Solania Asildo Jr., Administrative Officer III ng DepEd Division Office sa Guihulngan, Negros Oriental kamakailan.
Nabatid na pasakay na ng kanyang sasakyan si Asildo noong Agosto 30 nang bigla na lang lapitan ng dalawang ‘di kilalang lalaki at kaagad na pinagbabaril sa harapan ng Guihulngan South Central School (GSCS).
Naisugod pa sa pagamutan si Asildo ngunit hindi na ito umabot pa nang buhay.
Nagpaabot rin ang DepEd ng pakikiramay sa pamilya ni Asildo, na malaki anila ang kawalan sa kanilang tanggapan.
Kaugnay nito, bumuo na ang DepEd Guihulngan ng isang fact-finding task force na tutulong sa pagresolba sa kaso.