Pamana ni Nene Pimentel

Dear Abante Tonite,

Nasubaybayan ko, simula nang mamulat ako tungkol sa mga nangyayari sa ating lipunan, ang mga ginawa ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. para sa ating bayan.

Isa sa maituturing na pamana niya sa ating mamamayan ay ang Republic Act 7160 o Local Government Code of the Philippines. Ito ang batas na nagbigay ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan upang hindi masyadong umasa sa kung ano lang ang binibigay sa kanila ng national government.

Sa batas na inakda ni Nene Pimentel, nagkaroon ng tinatawag na “devolution of power” sa mga lokal na pamahalaan. Binigyan ng sapat na kapangyarihan gayundin ng mga responsibilidad ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatakbo sa kanilang mga nasasakupan – bayan, lungsod, at lalawigan.

Sa pamamagitan ng RA 7160 ay nagkaroon ng ­“decentralization”. Binigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan sa anyo ng recall, initiative at referendum. Gayundin ang sapat na alokasyon ng pondo mula sa national government sa pamamagitan ng tinawag na Internal Revenue Allotment. Sa madaling salita, inilatag ang sistema at kapangyarihan ng mga namamahala sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng RA 7160.

Nasa kamay na ng mga halal ng bayan ang sapat na kapangyarihan. Ang kinakailangan na lamang ay tuparin nila ang mandato na pamunuan ng maayos ang kanilang nasasakupang bayan, lungsod, at lalawigan nang naaayon sa RA 7160.

Inilatag na ni Nene Pimentel ang batas para sa ­mabuting pamamahala sa mga lokal na pamahalaan. Nasa kamay na ng mga halal ng bayan ang ­pagpapatupad nito.

Maraming salamat po.
Manuel ng Nueva Ecija