Malubha ang kundisyon ngayon ng isang 40-anyos na lalaki makaraang martilyuhin ng 72-anyos na tiyuhin na hindi pinayagang gumamit ng banyo ng biktima sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Navotas Police Community Precinct 3, dakong alas-7:30 ng gabi nangyari ang insidente sa bahay ng kapatid na babae ng suspek na si Tranquilino Parrocho sa Block 36, Phase 1-A, Asohos St., Brgy. North Bay Boulevard South.

Gagamit lamang umano sana ng banyo si Parrocho nang pigilan siya ng biktimang si Jesus Reyes, walang hanapbuhay, at pagsarahan ng pinto. Doon sumiklab ang galit ng matanda na kumuha ng martilyo saka pinaghahataw nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang pamangkin.

Isinugod sa Tondo Medical Center ng kanyang ina at kapatid ang biktima ngunit inilipat din sa Jose Reyes Memorial Medical Center at nasa kritikal na kundisyon ngayon dahil sa mga tama sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Samantala, nang maaresto ay sinabi ni Parrocho na nagdilim ang kanyang paningin dahil sa sumusobra na umano ang kalabisan ng kanyang pamangkin at maging ng ina nito na kapatid niya.

Pinalayas pa umano siya ng mag-ina nang dumulog siya sa kanilang barangay dahil sa pi­lit na pagkuha ng mga ito sa kanyang ATM card na para sa pension sa Social Security System.