Talamak pa rin ang nakawan sa mga bagahe ng mga pasaherong bumibiyahe at dumadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“The thieves at NAIA are still manning their posts at the airport,” sabi ng insurance adviser at FB user na si Ronnie Litiatco.
Sa salaysay ni Litiatco, umuwi ang kanyang mga anak sa Pilipinas mula Estados Unidos para mag-Pasko sa ‘Pinas.
Nang nag-eempake na sila, nadiskubre nilang nawawala ang ilang pasalubong mula sa kanilang mga maleta.
Sabi ni Litiatco, nawala ang pasalubong sa kanyang Crocs na sapatos. Naglaho rin ang mga polo shirts na pasalubong sana sa mga kapatid at iba pang mga bagay sa kanilang bagahe.
Binanggit pa ni Litiatco na nauna nang nagpahayag ang kanyang mga anak hinggil sa nakawan sa NAIA. Pero pinayapa aniya ang mga ito at sinabihang hindi na kailangang alalahanin ang nakawan, kaya siya mas naiinis sa sinapit ng kanyang mga anak sa airport.
Giit pa ni Litiatco na Philippine Airlines (PAL), na pag-aari ng bilyonaryong si Lucio Tan, ang sinakyan ng kanyang mga anak.
Gayunman ay hindi na binanggit ni Litiatco kung saan sa Estados Unidos nanggaling at kung kailan dumating sa bansa ang kanyang mga anak.
Nag-email ang TONITE sa NAIA pero wala itong tugon as of press time. (Eileen Mencias)