Pamaskong pork

May isang katotohanang nalantad sa kasalukuyang tunggalian ng pangkatin ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang Gabinete sa isang panig, at ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at kanyang mga tinyente sa Kongreso sa kabila, para sa kontrol ng mga lumpsum sa 2019 budget at pondo mula sa road users’ tax.

Sa pagtuturuan ng Malakanyang at Kongreso kung sino ang may kinalaman sa mga ‘insertion’ sa panukalang budget, hindi maitatanggi na buhay at masigla ang pork barrel system.

Batay sa mga impormasyong nasiwalat bunga ng kasalukuyang alitan sa loob ng naghaharing koalisyon, ano ang kalagayan ng pork barrel system sa panahon ni Duterte,?

Una, ‘di hamak na mas malaki na ang alokasyon ng pork ng mga mambatas. Kung dati, may pork barrel na P60 milyon kada taon ang bawat Kongresista at P200 mil­yon ang bawat senador, ngayon, umaabot sa bilyon ang mga insertion ng mga mambabatas, lalo na ang mga nasa pamunuan. Halimbawa, ayon kay Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson, may P2.4 bilyon daw na insertion sa distrito ni Arroyo at P1.9 bilyon kay Majority Leader Rolando ‘No­noy’ Andaya.

Pangalawa, nakikisalo na rin sa pork pati ang mga opis­yal ng Gabinete ni Duterte. Umamin si DBM Sec. Benjamin Diokno na siya ang res­ponsable sa P75 bilyon na insertion ng ‘flood management projects’ sa 2019 budget. Ayon kay Andaya, may P300 milyon daw rito na pinasok si Diokno para sa mga kamag-anak niyang politiko sa Sorsogon. Nagpahiwatig din si Andaya na may dating Cabinet member daw na tatakbo sa dara­ting na eleksyon na ‘nagparada’ ng mga flood control project na nagkakahalagang P1.5 bilyon sa Bicol region.

Pangatlo, kung may pork, hindi nalalayo ang katiwalian. Sa kabila ng posturang anti-corruption ni Duterte, nilantad ni Andaya ang pagkakasangkot umano ng ilan sa mga kasapi ng kanyang Gabinete sa isang ‘flood control scam’ – paglaan ng pondong publiko sa mga kaduda-dudang ‘flood mitigation pro­ject’ na ginagawad sa mga pinapaborang kontraktor kapalit ng kickback.

Sa puntong ito, maaari na sigurong iburol, ipagdasal ng nobena, at ilibing ang Belgica vs. Ochoa – ang 2013 desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang uncons­titutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas at nag-abolish umano ng ‘pork’.

Sa aktuwal, dahil sa diin ng administrasyong Duterte sa paggastos sa imprastruktura, lumaki ang bahagi ng budget na maaaring ilaan sa pork at dumami ang pagkakataon para mangurakot.

Narito pa rin ang pork, lalong kaakit-akit, at higit na pinag-aagawan ng mga politikong nasa poder.