Delikado ang lagay ng Cleveland, nakakaalarma na posibleng matapos na ang season.
Kaya sa Game 6 ng Eastern Conference finals ngayon, itataya lahat ng Cavaliers, todo pati pato’t panggulo.
Tatlong beses hindi pinaporma sa Boston, haharapin ng Cleveland at ni LeBron James ang ikalawang elimination game sa postseason sa Quicken Loans Arena.
Balik sa Boston sa Linggo kung makakahirit sila ng Game 7.
Sa kaagahan ng Game 5, napansin na ni Coach Tyronn Lue na mukhang pagod si LeBron. Pero kumpiyansa ang coach na babalikwas ang 33-anyos na superstar para pahabain ang season. Sa record na pang-12 pagkakataon ay napili si James sa All-NBA first team.
Tumukod si James at ang Cavs 96-83 at naiwan sa series 3-2.
“I know he’ll be ready to play Game 6, so fatigue won’t be a problem and an issue,” giit ni Lue. “I’m pretty sure a lot of guys are tired during this stretch of the year. If I had to pick one guy and choose on guy to prevail, it would be LeBron.”
Sa unang pagkakataon sa series ay ginawang starter ni Boston Coach Brad Stevens si Aron Baynes, epektibo ang move dahil napigil si James na dati ay sinasagasaan lang ang Celtics kapag nag-switch sa kanya si Terry Rozier.
Haharapin ni Rozier si James, nakaabang naman si Baynes – ang 6-foot-10 254-pound Australian na umayuda ng seven rebounds at six points.
Problema lang ay 1-6 ang Boston kapag dumadayo ng laro ngayong postseason.