Sa kasagsagan ng PBA Governors Cup, gumawa na ng malaking desisyon ang Ginebra.

Heto ngayon ang isa pang senaryo na susubok sa judgment call ni Gin Kings coach Tim Cone: ang pagbabalik ni Greg Slaughter sa active lineup sa kabuuan ng season-ending tournament.

Sinabi ni Cone nitong Linggo na magsisimula nang magpraktis ang seven-foot center ngayong linggo, at inaasahang sasabak na sa unang pagkakataon ngayong conference kontra Mahindra sa Sept. 9. Uunti-untiin muna ang minuto ni Slaughter dahil siguradong wala pa sa tamang kondisyon ito matapos sumailalim sa surgery noong May para alisin ang bone spurs sa left ankle.

Unang hakbang ng Gins nang iparada si Justin Brownlee na noong una ay temporary replacement lang sana kay Paul Harris na nabalian ng daliri sa unang­ laro ng team sa conference. Pero pinauwi na si Harris, at hindi na pinalitan si Brownlee.

Hindi pa sigurado kung paano gagamayin ni Slaughter ang laro at bagong sistema ni Cone na ­malayo sa paborito niyang dating triangle offense.

Dalawa lang ang lumalabas: Maging dagdag na pamato si Slaughter, o panabla o panggulo sa gumaganang sistema.

“Obviously, we’re playing pretty good basketball,” paliwanag ni Cone. “But I think there’s a choice here with Greg. He could either be a disruption because we’re playing good basketball, or he could be a bona fide weapon that could take us to the next level.”

Isa sa solusyon na nakikita ni Cone ay ang hinay-hinay na laro. Bibigyan muna siya ng 12-15 minutes sa unang laro, 18-20 sa pangalawa.