Pambabato sa PNR train kinondena

Kinondena ng mga netizen ang nag-viral na pambabato ng mga kabataan sa umano’y mga tren ng Philippine National Railways (PNR) na dumaraan sa Brgy. Canlalay sa Biñan.

Pero pinabulaanan ito ni Transportation Asec. Goddes Hope Oli­veros-Libiran at sina­bing hindi naman nabato ang mga bagong tren dahil may mga tao namang naglalagay ng debris sa daanan ng tren na dumadale sa undercarriage nito.

Maging ang PNR ay itinanggi rin na hindi ang mga bagong tren na nagmula sa Indonesia ang nasira kundi ang mga lumang train.

“Clarify ko lang ha… Lumang trains ‘yung bina­bato ang bintana. Iba ang ginagawa nila sa mga bagong trains. Hindi nila masisira bintana nun kasi polycarbonate na. So, ang ginagawa, hinaharangan nila ng debris na dumadale sa undercarriage. ‘Yung mga photos sa taas na may hinarang na debris, sa Sampaloc Area ‘yan,” giit ni Libiran.

Unang nag-viral sa media na may 14 na umanong insidente ng mga pambabato sa mga tren ng PNR at ang mga may kagagawan umano ay pawang mga kabataan.
“Mahirap kasing manghuli o mag-identify noong sa stoning incidents kasi naglalakbay ‘yung tren. And then usual­ly ‘yung mga tao, nagtatago sila,” ayon kay PNR OIC Spokesperson Crissy Ecalnea.

“Wala ring maibigay na magandang dahilan kasi minsan, isang katuwaan. Pinagsabihan ‘yung magulang na pagsabihan ‘yung anak,” ani Ecalnea.

Giit pa ng tagapagsalita ng PNR, may bill para sa ‘criminalize railway operations’ sa bansa subalit hindi pa ito naisasabatas kaya ang tanging magagawa nila ay ang kasuhan lang ang sinumang may kagagawan ng pambabato.

“Meron naman kami diyang naka-deploy na konduktor. May rail police din diyan. Kung may medical atten­dance na kailangan and if kailangan dalhin sa pinakamalapit na ospital, ‘yun ‘yung mga immediate response natin… Security ng mananakay ‘yung number one na issue namin diyan… Pag nabato siya, may tendency siya na ‘yung mga bubog o ‘yung glass niya, mag-shatter doon sa mga tao, tamaan ‘yung mga tao. So isa ‘yon sa added layer na ginagawa natin temporarily,” dagdag pa ng PNP official. (Dolly Cabreza)