Hangad ng Team Rebel Sports Pilipinas na mabalutan ng dekalidad na uniporme hindi lang ang pambansang atleta kundi pati na rin ang iba’t ibang koponan sa kolehiyo at eskuwelahan sa bansa para ipakita ang buong pusong pagtulong at pagpapalakas ‘di lamang sa sports kundi pati industriya sa bansa.

Sinabi ni Joel Cu, may-ari ng internasyonal na kompanya sa iba’t ibang sports uniform sa bansa na Team Rebel Sports Pilipinas, na hangad nitong matulungan ang lahat ng mga maliliit na namumuhunan para paangatin ang industriya sa bansa sa paggawa ng mga damit na gagamitin sa iba’t ibang liga at kompetisyon.

“Our brand name is Rebel but we are for a good cause,” sabi ni Cu. “Rebel is not about the money. It’s about helping athletes who can’t afford a good uniform. Rebel is about helping them to reach their potential with a good uniform and also our brothers in the business na puwede nila kami lapitan kung kinakapos sila sa panahon.”

Bitbit ang bagong teknolohiya na sublimation, mas pinalawak ng Rebel ang pagawaan ng uniporme sa Antipolo upang matugunan ang papalawak na pangangailangan sa pagpapatahi ng uniporme sa bansa habang marami din itong kliyente sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Australia, China pati na parte ng Asya at Europa.