‘Pambansang clown’ nangulelat pa rin sa Senate attendance

manny-pacquiao

Perfect attendance sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, Senate Majority Leader Migz Zubiri at Senador Panfilo “Ping” Lacson sa 79 session days sa 2nd Regular Session ng 17th Congress.

Kapansin-pansin naman ang tinaguriang pambansang ‘clown’ ng Senado na si Sen. Manny Pacquiao na nakapagtala ng 65 pagdalo sa mga sesyon o katumbas ng 81%, mas mababa kumpara sa dating record nitong 84 o 94% noong taong 2016.

Nangulelat din si Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na nagpakita sa 52 session days subalit nakapagtala ng pinakamaraming official mission na umabot sa 23 na kinabibilangan ng 3 local at 20 sa abroad.

Kung hindi isasama ang official mission, pinakamaraming bilang ng araw ng absent sina Sen. Chiz Escudero at Sen. JV Ejercito na may tig-pito at sinundan ni Sen. Ralph Recto, 6 Pacquiao, lima habang apat kay Trillanes.

Kasama rin sa tala na inilabas ng Senate Journal Service si Senador Leila de Lima na absent sa 79 session dahil ito ay nakakulong sa Camp Crame.

Pangalawa naman sa may pinakamaraming present sina Senador Nancy Binay, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Gringo Honasan na pumasok sa 78 sessions at ang nag-iisa nilang absent ay para sa pagdalo sa official mission.

Umabot din sa 78 session ang nadaluhan ni Senador Risa Hontiveros na sinundan naman nina Senador Joel Villanueva at Senador Cynthia Villar, 77; Senador Grace Poe, 76; Senator Win Gatchalian, 74; Senador Dick Gordon, 73; Senator JV Ejercito, 71; Senador Loren Legarda, 70; Senador Ralph Recto, 69; Senador Bam Aquino, 68; Senador Sonny Angara, 67; Senador Escudero, 66; Senador Kiko Pangilinan, 65; at Senador Pacquiao, 65.