Pambato ng NCAA, UAAP papalag sa Asian U Chess

Mapapalaban ang mga woodpusher sa NCAA, UAAP at SCUAA sa Asian Universities Chess Championship sa susunod na buwan sa Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City.

Makakaharap ng local teams ang defending champion China matapos magkumpirma ang Chinese Chess Association na magpapadala ng kanilang men’s at women’s teams.

Markado rin ang Gunadarma University of Jakarta na kakatawan sa Indonesia, si GM Susanto Megaranto ang kanilang head coach.

Ipaparada naman ng Osmania University of Hyderabad, India ang kanilang men’s at women’s teams habang kasali rin ang men’s at women’s team ng Majlis Sukan Universiti Malaysia.

Ang iba pang participating foreign Universities ay ang University of Tsukuba of Japan at Pakistan University of Veterinary and Animal Sciences Lahore.

Sa previous Asian Universities Chess Championship noong 2015 sa Beijing, China, nasikwat ng Chinese teams ang men’s at women’s divisions subalit nakopo naman ni GM Susanto Megaranto ng Indonesia ang individual championship.

Ipapatupad ang 9-round Swiss System sa nasabing torneo. (Elech Dawa)