Pambubugbog sa quarantine violator pinaimbestigahan

Inutos ng Malacañang sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang insidente ng pambubugbog diumano ng mga pulis sa isang factory worker na lumabag sa quarantine protocol sa Gen. Trias City, Cavite

Sa Laging Handa briefing na mapapanood sa PTV-4, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na “no one is above the law”.

“Paiimbestigahan po natin iyan, tatawagan natin mismo si PNP Chief (Archie) Gamboa at titingnan po natin kung anong nangyari diyan,” ayon sa kalihim.

“Alam ninyo naman po sa ating gobyerno no one is above the law. Kung talagang may lumabag sa batas mayroon naman pong imbestigasyon, paglilitis at pagpaparusa,” ani Roque.

Noong Sabado napabalita ang pambubugbog diumano ng mga pulis sa 30-anyos na si Ronald Campo matapos itong lumabag sa quarantine protocol.

Matapos ang insidente, isinugod ang biktima sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City para lapatan ng lunas. (Prince Golez)