tonite-pak-allan-diones
Big deal kay Dingdong Dantes ang Halloween dahil meron silang yearly pa-costume party na pabonggahan at talagang kinakarir ang mga outfit-an.

Ayon kay Marian nang matsika namin ito sa kanyang media launch bilang celebrity endorser ng Reverie by Beautéderm Home, bukod sa Christmas ay much-awaited nila ang Halloween, lalo na si Dong.

Kaya naplano na raw nila ang costumes nila ngayong Undas. Ani Marian, maghahanda sila sa bahay with some friends and with the kids para ma-enjoy nina Zia ang Halloween celebration.

As in silang tatlo ulit ang magko-costume, na meron daw theme pero ayaw niyang sabihin kung ano.

“Ay basta, magulat kayo!” dayalog ni Yan sabay tawa.

Sa school ni Zia ay may sarili itong Halloween costume party, na ang sabi ni Yan ay pinahirapan siya sa paggawa ng costume nito na gawa sa recycled materials.

Intergalactic ang tema at kinarir naman ito ni Mommy Marian. Ayun, wagi ng Best in Costume ang out of this world outfit ni bagets.

Sobrang cute ni Zia sa costume na gawa ni Marian, na Miss Intergalactic Space Princess ang peg pero ang ginamit na materials ay gawa sa tela ng payong, hose, diyaryo, karton, tetrapak, atbp.

Marami nang nag-aabang kung ano naman ang pangmalakasang costume ng Dantes family ngayong Halloween.

Last year ay #FamilyGoals ang pangabog na ‘Dantes League’ costume nila na naka-Batman si Dong, Catwoman si Yan at Batgirl si Zia.

Samantala, proud si Marian na siya talaga mismo ang pumili ng lahat ng scents, pati na ang bottle at ‘yung mga kulay ng bagong launch na room & linen spray at soy candles ng Beautéderm. Ito raw talaga ‘yung mga paborito niyang amoy.

Last year pa pala sinubukan ni Marian ang home products ng Beautéderm, na tinawag na Reverie, galing sa Rivera at sa name din ng CEO ng Beautéderm na si Ms. Rhea Aninoche-Tan.

Kuwento ni Yan, mahilig si Dong sa longganisa at nagustuhan nito ‘yung galing Pampanga na pinapadala sa kanya ni Ms. Rhea noon.

Doon nagsimula, tapos ay pinadalhan na rin nito ng air freshener si Yan, hanggang sa ‘niligawan’ na para maging endorser ng Reverie.

Dream lang daw dati ni Ms. Rhea na maging endorser nila si Marian at ngayon ay natupad na ito. Sey ni Yan, pamilya na agad ang turing niya sa kanyang Beautéderm family.

Richard-Dingdong walang isyu sa Prinsipe

Nag-enjoy si Richard Gutierrez sa MMFF 2018 movie ni Vice Ganda na “Fantastica”.

Ang saya raw dahil first time niyang nag-full on comedy sa nasabing pelikula.

“Hindi ko alam kung anong pinaggagawa ko sa pelikulang ‘yon, pero nag-enjoy ako. Sana mag-enjoy din ‘yung mga manonood,” nakangiting sey ni Chard nang matsika namin siya sa birthday party ni Tita Annabelle Rama.

As in nag-comedy sila ni Dingdong Dantes na kasama niya rin sa pelikula?

“Oo, eh. Madadala ka na sa co­medy kasi ‘pag si Vice ‘yung kaeksena mo. Tapos, si MC at si Lassy, ang dali nang mag-comedy.

“Tapos, siyempre nandu’n si Vice, magdadagdag siya ng lines, magdadagdag siya ng comedy actions, so ang dali. Ang saya lang namin sa set, kulitan lang.”

Actually, event din ito dahil first time nilang magsasama ni Dingdong sa isang pelikula.

Pero may sinabi sa aming trivia si Chard na nagsama na sila noon ni Dong, pero sa isang eksena lang sa “Mulawin The Movie”.

As in Mulawin daw siya, tapos ay taga-“Encantadia” naman si Dong at may scene sila together.

“Pero ito ‘yung first full-length na magkasama kami ni Dong. Kung kailan nasa ABS na ako, doon pa kami nakagawa ng pelikula,” natatawang sey ni Chard.

Ang totoo ay riding buddies sila at may grupo pa sila ni Dong na nagmo-motor kung saan-saan, na hanggang sa abroad ay nakakarating sila. Magkaibigan daw talaga sila in real life.

Kaya lang ay may mga naiintriga dahil sa original title ng “Fantastica” ay may “The Prince” na binabanggit, so sino sa kanila ni Dong ang prinsipe na ‘yon?

“Ako! Ha! Ha! Ha! Pero maganda ‘yung kuwento. Balanse ‘yung kuwento namin. Ako, ga­ling sa kaharian, sa fantasy world. Si Dong naman, dito sa modern world. Kaya ako prinsipe.”

Okey, so wala namang magiging intriga na siya pala ‘yung ‘Prince’ doon sa title?

“Wala, wala namang gano’n,” pakli ni Chard na dating­ kapanabayan ni Dong sa Kapuso network pero ngayon ay isa nang Kapamilya.