Wasak ang mukha ng 47-anyos na masahista matapos na barilin ng dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo sa Quezon City kahapon ng mada­ling-araw.

Ayon kay P/Insp. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), kinilala ang biktima na si Flora Tortoga Magbago, biyuda, massage therapist at nakatira sa No. 92 Dahlia St., Sitio Incenerator, Brgy. Bahay Toro ng nasabing lungsod.

Naisugod pa si Magbago sa Quezon City General Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival dakong alas-7:15 ng umaga, dahil sa isang tama ng .45 baril.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-4:20 ng madaling-araw, nakasakay sa taxi ang biktima kasama ang dalawang anak at apo nito, nang pagsapit sa Bathala St. ay hinarang sila ng riding-in-tandem.

Bumaba ang back ­rider at pumunta sa kanang bintana ng sasakyan saka malapitang binaril sa mukha ang biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek na kapwa nakasuot ng face mask.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo nito sa pamamaslang.