Isang pamilya ang minasaker habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City kahapon nang madaling-araw at itinuturong suspek ang nakaaway nilang pulis na nakatalaga sa Caloocan City.
Base sa ulat ng tanggapan ni Quezon City Police District director Chief Supt. Joselito Esquivel, kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Romeo Catalan Ado Sr., 54, at Christine Dela Peña Ado, 48, at ang kanilang anak na si Romeo Jr., 12-anyos.
Nagtamo ang mga biktima ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Nakaligtas naman sa masaker ang isang batang lalaki na tatlong taong gulang at apo ng mag-asawang Ado.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang pagbabarilin ng suspek na kinilalang si PO3 Jerry Antonio ang pamilya Ado habang natutulog sa kanilang bahay sa No. 138 Alpha Madrigal St., Adelina Farm, Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek na pulis.
Lumalabas sa pag-iimbestiga ng pulisya na nagkaroon ng alitan ang pamilya Ado at si PO3 Antonio nang kasuhan ito ng pananakot at panunutok ng baril sa biktimang si Ado Sr. Ito’y makaraang akusahan umano ng suspek ang pamilya Ado na sangkot sa iligal na droga.
Ayon naman kay PO2 Ronald Pelicano ng Masambong Police Station 2, noong 2017 ay nakatira pa si PO3 Antonio sa bahay ng mga biktima.
Siya rin ang rumesponde nang tutukan ng baril ni PO3 Antonio si Ado Sr. kamakailan.
Pinaghahanap na ngayon ng kanyang mga kabaro ang suspek na naglakad lamang umano paalis sa lugar ng mga biktima sa kanyang pagtakas.
Nakatagpo rin ng mga basyo ng bala ng kalibre 9mm na baril sa pinangyarihan ng krimen. (