Patay ang isang 2-anyos na batang lalaki habang malubha naman ang kapatid nito matapos kumain ng kilawin sa General Santos City kamakalawa.

Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Elian Parlia habang inoobserbahan pa sa ospital ang ate nitong si Eliana Parlia, 8-anyos.

Napag-alaman na Huwebes pa ng gabi nang kainin ng pamilya Parlia ang kilawin na ibinigay ng kanilang lola na si Alma Minyoto at kinabukasan ay sumama na ang kanilang pakiramdam hanggang sa magsuka, at sumakit ang tiyan at ulo.

Ayon kay Minyoto, binili niya ang mga laman loob sa isang meat shop sa Barangay Lagao at saka ginawang kilawin.

Sa una ay binigyan lamang ng gamot ang mga bata pero patuloy ang iniindang sakit ng tiyan at nagsusuka kaya nagpasya na silang dalhin sa ospital subalit doon na namatay ang 2-anyos na paslit.