Kuwento ng isang source na dating malapit sa pamilya ng magkadugong female personalities ay walang gaanong tumatagal na kasambahay sa kanila.

Pinakamatagal na kuno ang anim na buwan na pagseserbisyo sa pamilya ng mga kinukuha nila, kadalasan ay umaalis din agad ang kanilang mga kasambahay kahit nakakadalawang buwan pa lang, sino kaya sa kanila ang nagiging problema ng mga maid of cotton nila?

Kuwento ng source, “Siyempre, ang mommy nila! Umaga pa lang kasi, e, parang kampana na ang bibig ng m­other dearest nila, umaalingawngaw na, ninenerbiyos tuloy ang mga nagtatrabaho sa kanila.

“Kung gaano katahimik ang daddy nila, e, yun naman ang sobrang kaingayan ng nanay nila, kaya ayun, nag-aalisan tuloy ang mga kasambahay nila!” umpisang kuwento ng aming impormante.

Bukod sa pagiging maingay ay hindi rin kuno marunong mag-alaga ng kanilang mga tauhan ang madir ng magsyupatembang.

Reaksiyon uli ng aming source, “Sino naman kasi ang tatagal sa agahan na dalawang pandesal na wala pang palaman? Ganu’n lang ang kinakain nila, dalawang pirasong tinapay at kape!

“Natural, tatagal ba naman nang dalawang oras ang ganu’n, lalo na kung marami silang ginagawa sa bahay? Alas nuwebe pa lang siguro, e, nag-aaway na ang mga bituka nila dahil sa gutom!

“Ay, pinatunayan kaya ‘yun ng nagse-service ng manicure-pedicure sa mag-iinang ‘yun! Totoo palang hindi man lang sila nagpapameryenda, pagoda Philippines na ang naglilinis ng mga kuko nila, pero ni hindi man lang sila nagpapakain!

“Nakow, kaya naman pala ang papayatot ng mga anak niya, e! Baka pati ang magkapatid, e, tasado rin sa lafang! Kaya pala kapag nasa studio ang mag-sister, e, panay-panay ang kain nila!” humaha-lakhak na pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Erap, Jinggoy wasak pero buo ang family

Maraming n­agtata-nong sa amin kung ano raw ang pinagkakaabalahan ngayon ng mga Estrada. Hindi nagtagumpay nu’ng nakaraang eleksiyon ang lolo, anak at apo ng p­amilya.

Wala namang nabibigo na masaya, natural lang na balot ng kalungkutan ang pamilya sa naganap, pero hindi naman ‘yun ang katapusan ng mundo para sa kanila.

Kung tutuusin ay ngayon nga lang sila nagkakasama-sama nang matagal, nakakapag-bonding sila nang mahabang panahon, hindi tulad nu’ng nakaposisyon pa sina dating Pangulong Joseph Estrada, dating Senador Jinggoy Estrada at Vice-Mayor Janella Ejercito na limitado ang kanilang panahon para sa pamilya.

Nakalulungkot pero talagang ganu’n, hindi naman sa lahat ng panahon ay palagi tayong nagtatagumpay, kasama sa laban ng buhay ang pagkabigo.
Naging buhay nila ang mundo ng pulitika nang ilang dekada, ‘yun na ang nakasanayan nilang kapaligiran, pero hindi naman puwedeng huminto ang ikot ng kanilang mundo dahil sa pagkatalo.

Siguradong nakalinya sa kanilang mga plano ang pagbabakasyon. Kaila-ngan nila ‘yun dahil sa tindi ng pagod at stress na inabot ng buong pamilya nu’ng nakaraang kampanya.

May positibo ring idinulot ang pagkabigo, parang napakasakit lang sa biglang paghusga, pero may mga wasak na nabubuo kapag may sapat na panahon na sila para magkasama-sama.

Sabi ng misis ng isang natalong pulitiko nu’ng nakaraang halalan, “Hay, naku! Sa wakas, matitikman ko na ring mabuhay! Para kasing wala kaming sariling buhay nu’ng nakaupo pa ang asawa ko!

“Kumakain kaming buong pamilya, biglang may tatawag, may kailangan siyang puntahang emergency meeting. Palaging ganu’n!” kuwento ng misis ng hindi nagtagumpay na pulitiko.