Nagtungo kahapon sa lalawigan ng Albay ang mga kawani ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang magbigay ng tulong sa pamilya ng mga overseas Filipino worker (OFW) na apektado ng nag-aalburutong bulkang Mayon.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, nasa 2,000 hanggang 3,000 pamilya ang nabigyan ng tulong kung saan umaabot sa P50 milyong ang inilaang initial funding assistance dito.

Sinabi ni Cacdac na nasa 500 pamilya ang nabigyan ng P3,000 welfare relief habang P1,500 cash benefit naman sa mga OFW sa Ligao City na bahagi ng Welfare Assistance Program sa ilalim ng administrasyon Duterte.

Inaasahang din ng OWWA na madaragdagan pa ito sa mga susunod na araw na kanilang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng nag-aalburutong bulkan.

Ipinaliwanag pa ni Cacdac na bago matanggap ang tulong, isinasailalim muna ang mga ito sa pre-processing at hinihingan din ng katibayan bilang OFW family member o dating naging OFW.

Samantala, nasa 200 milyon na umano ang nabiyayaan ng naturang programa sa bansa kung saan benepisaryo ang mga pamilya ng OFW na biktima ng man-made at natural disasters.