Posible umanong ilagay sa pangangalaga ng Witness Protection Program (WPP) ang pamilya ni Kian Loyd delos Santos at ilang testigo na nakakita sa pagpatay sa binatilyo, dahil na rin umano sa mga banta sa kanilang seguridad.
Ayon sa ama ni Kian na si Saldy Delos Santos ay nakakatanggap sila ng pagbabanta at maging ang mga kapitbahay nila na mga tumitestigo at tetestigo pa sa pagkamatay ni Kian ay nakatanggap din ng pananakot.
Samantala, nagtungo kahapon ng umaga sa lamay ni Kian si Senadora Risa Hontiveros at personal na ipinaabot ang kanyang pakikiramay sa naulilang pamilya. Pinag-usapan din nila ng pamilya Delos Santos ang posibilidad na maiharap ang issue ng pagkasawi ni Kian sa Senado.
Humingi rin umano ng kopya ng CCTV footage si Hontiveros upang mapag-aralang maigi ang insidente.
Matatandaang napatay ang binatilyo sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Barangay 160, Sta. Queteria, Lungsod ng Caloocan noong Miyerkules ng gabi.