Pamilyadong male celebrity nakabuntis ng ibang babae

Pamilyadong male celebrity nakabuntis ng ibang babae

ISANG ibong tiririt ang nagbulong sa aming source na may malaking kontrobersiya at problemang haharapin sa mga darating na araw ang isang pamosong male personality.

Siguradong magiging kontrobersiyal ang isyu kapag lumabas na dahil pamilyado na ang male personality at siguradong hindi ganu’n kadaling matatanggap ng kanyang misis ang balita na may isang babaeng nagdadalantao ngayon na ang kanyang mister ang pinananagot bilang ama.

Hanggang dito lang muna ang kuwento.

Ama ng female personality bawal sa iskandalo

MARAMING nagtataka-nagtatanong kung bakit wala sa kontrobersiyal na eksena ngayon ang ama ng isang sikat na female personality. Ang kanyang ina lang ang palaging nababanggit sa pinagpipistahang senaryo.

Ayon sa aming source ay bawal masangkot sa anumang kontrobersiya ang ama ng aktres dahil sa kanyang kontrata sa mga ahensiya.

Napapanood ngayon ang mga TVC ng ama ng female personality, sa kontratang pinirmahan nito ay ipinagbabawal ang pagkadamay sa anumang isyu, kaya ang kanyang misis lang ang nakasalang sa mga usapan.

At bakit wala ring anumang pahayag na nanggagaling sa mga kapatid ng female personality? Hindi ba naaawa ang mga ito sa kanilang utol?

Isa lang ang komento ng aming source, “Tulad ng sister nila, e, takot na takot din sila sa mommy nila. Walang maaasahang salita mula sa kanila, hawak sila sa leeg ng nanay nila!”

Ganown!

Matteo never tatawaging baliw si Mommy Divine

HANGGANG ngayon ay parang karneng tinitilad-tilad para gawing bopis sa social media ang close-in security ni Sarah Geronimo na si Jerry Tamara.

Malakas kasi ang loob nito na panindigang isang suntok ang ibinigay sa kanya ni Matteo Guidicelli, sa leeg daw ito tinamaan, kailangan daw ilabas ng five-star hotel ang kanilang CCTV para mapatunayan nito ang kanyang bintang sa aktor.

Kailangan ding maging malinaw kung totoo bang sinabihan ng baliw ni Matteo si Mommy Divine, gusto rin daw hamunin ng suntukan ng aktor ang ama ni Sarah na si Mang Delfin, sabi pa ng guwardiya ng aktres.

Mabuti na lang at nandu’n si Boss Vic del Rosario na unang naglinaw na walang naganap na pagsuntok, si Sarah mismo ang nagsabi sa producer na wala, dahil hindi naman sila naghihiwalay ni Matteo nu’ng mga panahong ‘yun.

Pero mas malinaw ang naging pahayag ni Ms. Letty Fuentes, ang relationship counselor nina Matteo at Sarah, sinabi nito na walang baril at hindi rin sinuntok ni Matteo ang close-in security ni Sarah.

At hindi rin naman maaaring sabihin ni Matteo na baliw si Mommy Divine, alam ng aktor kung gaano kamahal ng kanyang misis ang kanyang biyenan na ngayon, hindi nito sasaktan nang direkta ang damdamin ni Sarah.

Ang dami-daming tumawag sa amin para magpasalamat kay Ms. Fuentes, napaiyak daw kasi sila sa sinabi nito na umiiyak si Matteo habang ginaganap ang kasal, masayang-masaya naman si Sarah na parang nakawala nu’ng mga sandaling ‘yun.

Maraming pinasayang tagasuporta nina Matteo at Sarah ang kanilang relationship counselor, nalulungkot lang sila sa kuwentong napahiga sila ni Sarah sa sahig at napagulong dahil sa pag-awat sa nagsisisigaw na si Mommy Divine na gustong sampalin si Matteo.

Komento ni prop, “Parang eksena talaga sa pelikula ang nangyari sa kasal nina Matteo at Sarah. In the first place, e, walang boses dapat si Mommy Divine na magsisigaw na traydor at walanghiya si Matteo, dahil from day one pa lang naman ng relasyon nu’ng dalawa, e, kontra na talaga siya!

“Kaya nga lihim, kaya nga nagtatanan ang mga magkarelasyon, e, dahil may kontra sa kanila. Baka naman akala ni Mommy Divine, e, minor pa si Sarah!

“Wala na sa kalendaryo ang edad ng anak niya! Ano ito, buburuhin na lang niya si Sarah kesa sa mapunta kay Matteo?” inis na pahayag ng kaibigan naming propesor.

Sabi naman ni SOS, “Ano ba ang gusto ni Mommy Divine na mapangasawa ni Sarah, prinsipe? Kung si Queen Elizabeth nga, e, tinanggap si Meghan Markle na isang commoner at divorcee pa para kay Prince Harry? Reyna na ‘yun ng Inglatera, ha?”