Nanggalaiti ang isang commuter matapos malamang dalawang de-aircon bus na umano ng Victory Liner, Inc. ang tumangging pasakayin ang isang pamilya ng mga Aeta.
Noong Disyembre 18, papunta aniya ng Pasay City si netizen Mikhael Petito, nang mapansin niya ang nasabing pamilya na kinakausap ng isang babae. Doon niya nalamang tinatanggihan silang isakay sa mga aircon bus
“Hi Victory Liner, Inc., may existing rules ba kayo na namimili ng sasakay?” usisa ng nag-post na netizen.
“Nalaman ko sa Sta. Cruz, Pampanga lang sila at AYAW SILANG PASAKAYIN sa mga aircon na bus?!?!??????? 2 bus na daw ang dumaan and tinanggihan silang isakay ??,” lahad pa niya sa publiko.
Handa aniya siyang makipagbalyahan, maisakay lang sa parating na bus ang katutubong pamilya.
Nang dumating naman aniya ang isang ordinary bus ay pinasakay na ang mga ito.
“Sa mga nagtatanong, Aetas po sila hindi po mga insane or what. Aetas are indigenous people po from Luzon,” paliwanag pa ni Petito.
Inulan ng malungkot at galit na mga reaksiyon ang post ni Pepito na ngayong Disyembre 20 ay meron nang 60K reactions, 8K comments, at 24K shares.
“Anong karapatan nyong mag- discriminate nang kapwa nyo dapat ireklamo yung mga driver na bumwalewala sa kanila,” giit ni Kris Tina Dizon.
Himutok naman ni Melissa Musngi: “Kahit mga aetas mga yan tao din sila..sila ang unang lahi..#respect mga bobong bus company dapat tanggalan kayo ng lisensya namimili kayo ng isasakay.”
“Ang gusto ng driver at conductor ang kanilang pasakayin holduper at pusher huwag naman sana mag-descriminate ng tao pariho lang tayo mabubulok sa lupa,” ayon naman kay Jimmy Balingit. (Riley Cea)