Naging madugo ang isang birthday celebration ng isang pamilyang umano’y lumilinya sa pagtutulak ng iligal na droga matapos na apat na hindi pa nakikilalang mga kalalakihang pinaniniwalaang mga vigilantes na lulan ng dalawang motorsiklo ang lumusob sa pagdiriwang at paulanan ng bala ang mga ito sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni Police Senior Supt. John Chua ng Malabon City Police-Crime Investigation Branch, alas-dos umano ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob musuleo ng Tugatog Cemetery na matatagpuan sa Dr. Loscano Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.
Nagkakasiyahan at nag-iinuman umano noon ang mag-iinang sina Myrna Moon, 50-anyos at dalawang anak na sina Edmund Otico, 28- anyos na siyang birthday celebrant, Elmer Otico, 31-anyos at tiyahing si Fe Nicanor, 43-anyos kasama ang dalawang nakilala lamang sa mga alyas na Baby at Peter Bakla nang dumating ang mga suspek na lulan ng dalawang motorsiklo na tig-dalawang magkaangkas sa mga ito na pawang nakaitim at mga naka-bonnet saka walang habas na pinaulanan ng bala ang mga tao na nasa selebrasyon.
Namatay noon din si Moon, Baby, Peter Bakla at Nicanor habang nagawa pang maisugod sa Tondo Medical Center ang dalawang Otico ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay ang birthday celebrant habang agaw buhay ang kapatid nitong si Elmer.
Pagkabaril ay nagsibaba pa umano sa motorsiklo ang mga suspek at nag-iwan ng isang bond paper na may nakasulat na mensaheng “Mga pusher kami, ‘wag tularan.” saka mabilis na nagsitakas.
Sa masusing pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ay na-recover sa pinangyarihan ng krimen ang hindi pa nalalamang dami ng mga plastic ng shabu at nasa hindi bababa sa 10 basyo ng .45 caliber na baril.
Napag-alaman naman sa ilan pang kamag-anakan ng mga biktima na sangkot umano sa pagbebenta ng iligal na droga si Moon habang nagsisilbing runner ang mga anak nito.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at inaalam kung may kaugnayan ang nasabing insidente sa sunod -sunod na patayang nagaganap sa lungsod at karatig lugar nito.