Pamilyang pusher swak sa selda

Mistulang naglipat-bahay ang anim na magkakapamilya makaraang sama-sama itong dampu­tin ng mga awtoridad at ikulong, nang mabuking­ sa kanilang pot session at makumpirma na ikinabubuhay ng mga ito ang pagbebenta ng shabu sa kanilang mga kapitbahay sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito T. Esquivel­ Jr., ang mga naaresto na sina Luzviminda Vinluan,­ 49; Rolan Vinluan, 48; Timoteo Vinluan, 42; Sandro Vinluan, 43; Maria Luning-ning Vinluan, 29, at Mark Anthony Angeles, 39, pawang residente ng Brgy. Old Balara.

Dinakma ang mga ito matapos ang isinagawang­ buy-bust alas-12:10 Sabado nang hatinggabi. Nabatid na si Luzviminda lamang sana ang pakay ng mga awtoridad, suba­lit naabutan ang pamil­ya nito na aktong nagsa-shabu session sa loob ng kanilang tahanan.

Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na talamak ang pagbebenta ng shabu ng pamilyang Vinluan sa mga adik nilang kapitbahay kaya agad na nagsagawa ng surveillance ang mga pulis.

Nabatid na sina Rolan Vinluan at Mark Anthony Angeles ay kabilang sa Directorate for Intelligence (DI) watch list, habang ang ibang kapamilya nito ay bago pa lamang pumasok sa iligal na aktibidad.

Magkakasamang nakapiit ang mga suspek sa Batasan Police Station matapos na makumpiskahan ng anim na sachet ng shabu, drug paraphernalia at buy-bust money.