Pampa-beauty na may mercury delikado

Naglabas ng panawagan sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) na mag-ingat sa paggamit ng cosmetics o mga produktong pampaganda na nagtataglay ng asoge o mercury na lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao.

Ibinatay ng FDA ang kanilang inilabas na abiso sa iniulat ng ASEAN Post- Marketing Alert System (PMAS) hinggil sa mga cosmetics na natuklasang nagtataglay ng kemikal na mercury matapos ang isinagawang mga pagsusuri ng National Pharmaceutical regulatory Agency na nasa ilalim ng Ministry of Health ng Malaysia sa iba’t ibang produktong pampaganda.

Ayon sa PMAS hindi pinapahintulutan na mahaluan ng sangkap na mercury ng ASEAN Cosmetic Directive (ACD) ang mga produkto kaya’t hindi dapat itong bilhin o gamitin ng publiko sanhi ng panganib na idudulot sa kalusugan.

Kabilang sa iba’t-ibang uri ng cosmetics na sinuri at napatunayang nagtataglay ng mercury ang ang Dolly Glow Luminous Night Cream, Fjura-Face Policsh Treatment, Dnars Golden Cream, Glow Glowing N Glowing, Apple Diamond Day Loose, 3rd Series Yanko Fade Out Cream day Cream, 5th Series Yanko Fade Out Dream Day Dream, 7th Series Yanko Whitening Cream Day, Labeauty Booster Night Cream at Sparkle Moon Night Cream.

Lumabas sa laboratory analysis ng hindi naaayon sa itinakdang panuntunan  o technical standards  ng ACD ang mga produktong pampaganda na nagtataglay ng kemikal na mercury na kahit katiting lang ay itinuturing ng mapanganib sa kalusugan. Kabilang ang masamang epekto sa paggamit ng inorganic mercury o ammoniated mercury, ayon sa World Health Orbanization (WHO), ay ang pagkasira ng kidney ng isang taong malalantad sa naturang kemikal.

Bukod dito, maaari ring maging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit sa balata ang paggamit ng cosmetics na may halong mercury, bukod pa ang tuluyang panghihina ng resistensya ng balat laban sa iba’t-ibang uri ng bacteria o fungal infections.

Bukod sa damage sa kidney, maari ding maging sanhi ito ng pagkakaroon ng skin rashes, skin discoloration at scarring, at ang panghihina ng resistance ng balat laban sa bacterial at fungal infections.

Batay pa sa abiso, mapanganib lalo na sa mga buntis o nagpapadedeng mga ina ang patuloy na paggamit ng naturang mga cosmetic products dahil maililipat sa kanilang sanggol, maging ito’y  nasa sinapupunan pa lamang na magreresulta sa pagkakaroon ng depekto sa utak ng bata.(Edison Reyes)