Pampanga, Sual may red tide

Tinamaan na ng red tide ang karagatan sa Pampanga at Sual sa Pangasinan.

Ayon sa Shellfish Bulletin No. 20 ng BFAR kahapon, may red tide na sa Pampanga at Sual, Pangasinan kaya’t pinagbabawal na ang pag-ani ng alamang at shellfish tulad ng tahong, talaba, halaan at tulya dito.

Nakataas pa rin ang red tide sa Puerto Princesa sa Palawan; sa Dauis at Tagbilaran sa Bohol; sa Irong-irong, San Pedro, sa Silanga Bay sa Western Samar; at sa karagatan ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Hermosa, Orani, Abucay at Samal sa Bataan.

Payo ng BFAR, hindi ligtas kainin ang shellfish at alamang sa mga naturang lugar. Ligtas namang kainin ang isda, pusit, hipon, alimango at alimasag basta’t tiyakin lamang na sariwa ang mga ito, nahugusang mabuti at tanggal ang mga hasang at bituka bago lutuin.

Wala namang red tide ang mga karagatan sa Cavite, Las Piñas, Parañaque, Navotas at Bulacan sa Manila Bay. (Eileen Mencias)