Pinaniniwalaang mababawasan na kung hindi man lubusang mahihinto ang pagkawala ng mga panabong na manok sa Naic, Cavite dahil sa pagkakaaresto sa tinaguriang ‘Panabong queen’ na akto pang itinatakas ang ninakaw na manok.
Himas-rehas sa Naic Custodial Center ang suspek na si Merly Salundagit, alyas ‘Menggay’ , 24, dalaga ng Sitio Ilaya, Brgy. Timalan-Concepcion, Naic, Cavite dahil sa reklamo ni Joel De Torres, 23, Ice plant employee ng nasabi ring barangay.
Sa ulat ni PO3 John Paulo Mellona ng Naic Municpal Police Station, dakong alas-11:15 Huwebes ng umaga nang naaktuhan ng biktima ang suspek na tinatangay ang kanyang panabong na nagkakahalaga ng P2,500.
Tinangka pang tumakas ni Salundagit subalit nahabol niya ito at binitbit sa mga opisyal ng barangay.
Ayon kay Mellona, ang suspek ay kilala umanong tirador ng mga panabong at iba pang hayop sa kanilang barangay subalit hindi nakukulong dahil walang nagsasampa ng pormal na reklamo sa kanya matapos na maisauli ang ninakaw na mga panabong.