Pormal nang ipinakilala ng PetroGazz ang bago nilang pambato na si middle blocker Jeanette Panaga.
Masisilayan na ang three-time Premier Volleyball League Best Blocker sa susunod na Season ng PVL sa January 2019.
Para sa former Pocari Sweat netter, hindi naman siya maninibago sa kanyang bagong team dahil halos lahat ng miyembro ay dati na niyang nakasama.
“Happy naman ako kasi parang ito na ‘yung reunion namin from St. Benilde, Pocari Sweat, kaya hindi ganun kahirap mag-adjust dahil dati ko na rin silang nakasama,” saad ni Panaga sa naganap na press conference sa Dads World Buffet sa Edsa, Greenhills Linggo ng hapon.
Pinakawalan ng Pocari Sweat si dating Saint Benilde star Panaga matapos ang Premier Volleyball League Season 2 Open Conference.
Muling makakasama ni Panaga sina former CSB teammates Djanel Cheng, Ranya Musa at Rachel Austero.
Sila ang namuno sa pagbigay ng titulo sa Taft-based squad sa NCAA may tatlong taon na ang nakararaan.
Naging kakampi naman ni Panaga si Cai Baloaloa sa Pocari Sweat.