Dear Dream Catcher,
Napanaginipan ko po ang aking ama na isang buwan pa lamang na namamatay.
Marahil talagang malungkot ang maiwan lalo na kung malaki ang pagkukulang sa mga magulang. Noong una, napanaginipan ko siyang nakatingin lamang sa akin na para bang siya’y naaawa sa akin. Iniluha koi to at ipinagdasal na lamangang kanyang kaluluwa. Sumunod ay napanaginipan ko siya na bumangon mula sa kanyang kabaong. Nakita ko rin daw na umiiyak ang aking stepmother.
Muling akong napaiyak sa aking paggising. Sa pagkawala ng aking ama, natatakot ako na tuluyan nang maputol ang tulay na namamagitan sa amin ng stepmother ko at kapatid ko.
Roma
Dear Roma,
Ang iyong panaginip ay sumisimbolo sa isang pagkawala at ito’y kadalasang paraan ng ating subconscious para maumpisahan ang acceptance sa pagkawala ng ating mahal sa buhay. Kadalasan ang ganitong panaginip ay itinuturing nating message from the grave o isang pagpaparamdam na nangyayari bagama’t bihirang-bihira dahil kadalasan ang ganitong panaginip ay bahagi lamang ng ating pangungulila.
Ikaw na mismo ang nagsabi na ang iyong ama lamang ang naging tulay para patuloy na magkalapit ikaw at ang iyong kapatid sa ama gayundin sa iyong stepmother. At sa pagkawala ng iyong ama, naramdaman mong tuluyan nang mapuputol ang relasyon mo sa kanila. At dito nag-uugat ang iyong panaginip.
Sa panaginip mo ay nakita mong nakatingin lamang sa iyo ang iyong ama na parang naaawa sa iyo. Pero sa katotohanan, ikaw ang nirerepresenta ng iyong ama sa panaginip na iyon. Dahil sa kanyang pagkamatay, naaawa ka sa sarili mo at natatakot na magkalayo na kayo ng loob ng kapatid at stepmother mo.
Nang makita mong bumangon sa kabaong ang iyong ama, ito naman ay maituturing na wishful thinking dahil sa likod ng iyong isipan, inisip mong sana’y hindi nangyari ang kanyang pagkamatay dahil ngayon mo nare-realize na kailangan mo siya.
Binanggit mo rin ang pagkukulang sa magulang kaya ang iyong panaginip ay bahagi ng guilty feelings. Nakokonsensya ka na hindi mo naibigay ang lahat ng pagmamahal para sa iyong ama at ngayong wala na siya sa buhay mo saka mo napagtanto ang mga pagkukulang na ito.
Sa kabuuan, ang iyong panaginip ay bahagi lamang ng pag-uumpisa mong matanggap ang kanyang pagkamatay. Dahil sa panaginip mo ay napapahagulgol ka at nailalabas mo ang sakit na nararamdaman mo sa kanyang pagkamatay kaya ito ay bahagi ng healing process para magkaroon ka ng tunay na acceptance.
Bagama’t hindi magiging madali para tuluyan mong matanggap ang nangyari, tinutulungan ka ng iyong subconscious para magawa ito. Alalahaning kahit wala na ang iyong ama, ikatutuwa niya kung hindi mo isasara ang pintuan para sa iyong stepmother at kapatid.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.