Panakip-butas ni Digong sa DOH, lusot sa CA

francisco-duque

Ikinagalak ng Malacañang ang paglusot ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) matapos kumpirmahin ang appointment nito.

Ipinaabot ni Presidential spokesman Harry Roque, ang pagbati kay Duque dahil sa walang kahirap-hirap na paglusot nito sa CA at ang mabilis na kumpirmasyon nito ay patunay na karapat-dapat ito sa kanyang posisyon.

Kumpiyansa aniya ang Malacañang na sa pag-upo ni Duque ay mabibigyang-solusyon ang mga kinakaharap na problema ngayon ng DOH partikular ang kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine.

Mabilis na nakalusot sa CA si Duque dahil ayon kay Senador Gringo Honasan, chairman ng CA health committee, kumpiyansa sila sa integridad ng kalihim at ang kanyang commitment sa tungkulin.

“Dr. Duque is not only passionate about public health but also an effective communicator who manages to get the message across to the Filipino people,” pagbibida ni Honasan sa kanyang talumpati.

Si Duque na dati na ring naging kalihim ng DOH sa ilalim ng Arroyo Administration ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang ireject ng CA ang nominasyon kay dating secretary Paulyn Ubial. ()