Panalangin ng isang historyador

Panginoon ng kasaysayan, nagpapakumbaba po kami sa inyo sa gitna ng isang kritikal na yugto sa aming bansa. Salamat po sa inyong biyaya na makilala namin ang a­ming Inang Bayan sa pamamagitan ng kasaysayan, sapagkat tunay lang namin siyang mamahalin kung tunay namin siyang makikilala.

Salamat po sa pagpapatalos sa amin na ang kasaysayan ay hindi lamang ukol sa mga dakilang mga tao na bumuo at namuno sa bansa, kundi sa mga mamamayan na nasa laylayan na itinatag ang bansang ito sa pamamagitan ng kanilang pag-aalay ng dugo, pawis, pagod at luha upang lagi naming maintindihan ang mga pagpapagal ng mga karaniwang tao.

Bigyan po Ninyo kami ng maayos na pag-iisip na malaman, sa tulong ng paggabay ng Inyong espiritu, kung ano ang may saysay at totoo gamit ang katuwirang bigay Ninyo.

Bigyan po Ninyo kami ng kasipagan na hanapin ang aming mga batis, ang pinakakomprehensibo sa anumang paksang tinutukoy.

Bigyan po Ninyo ng proteksyon ang aming mga batis mula sa pagkawasak at pagpapabaya at nawa’y ingatan po Ninyo ang aming pambansang alaala.

Bigyan po Ninyo kami ng kritikal na pag-iisip sa pagsusuri ng mga batis upang masumpungan namin ang salaysay na pinakamalapit sa katotohanan habang kinikilala na marami ang pananaw ukol sa katotohanang ito.

Turuan po Ninyo kaming maging patas sa bawat panig habang nagiging tapat pa rin sa katotohanan na nasa aming puso.

Ipaalala po Ninyo sa amin na may kapangyarihan ang kasaysayan, hindi lamang upang ipaunawa sa amin ang pagiging masalimuot at pagkakaiba-iba namin sa kasalukuyan, kundi upang pagkaisahin kami at nang maipagmalaki namin ang aming mga sarili at makapagbuo kami ng sariling pagkakakilanlan bilang isang bayan.

Ipakita po Ninyo sa amin na ang pag-unawa sa aming sariling kultura ay nagpapayaman sa aming pananaw ukol sa nakaraan. Tulungan po Ninyo kami na ma­ging tulay upang magkaunawaan ang akadem­ya at ang karaniwang tao. Nawa’y matuto kami sa mga aral ng nakaraan upang magamit ito sa paglikha ng mga solus­yon sa aming mga suliranin sa kasalakuyan, at nang maabot namin ang isang magandang bukas.

Sa kabila ng mga biyaya at kakayahang ibinigay po Ninyo sa amin, nawa’y manatili kaming mapagpakumbaba at makita na ang aming gawain na ito ay isang paraan upang makapaglingkod kami sa aming mga estudyante, sa aming mga mambabasa at sa publiko. Gayunpaman, nawa’y nakikita namin ang aming sa­rili bilang mga sisidlan ng tunay na kaliwanagan at katuwiran, hindi tagapagpagana ng kasamaan at kamangmangan.

Nawa’y ang amin pong pagsasalaysay sa aming nakaraan ay magkaroon ng saysay para sa bayan at nang may matutunan sila mula rito. Nawa’y mailapit namin ang kasaysayan sa mga tao, tungo sa Inyong lalong ikaluluwalhati, at sa ikaluluwalhati ng bansang inyong ibinigay sa amin. Amen.