Isinulong ngayon ni Senator Sonny Angara ang isang resolusyon na bumabati at nagbibigay-pagkilala kay Sen. Manny Pacquiao, matapos na tagumpay na madepensehan ang kanyang World Boxing Association regular welterweight belt laban sa Amerikanong si Adrien Broner.

Naganap ang laban ng dalawa nitong Linggo sa Las Vegas, Nevada kung saan wagi si Pacquiao, 40, sa bata sa kanya ng 11-taon na si Broner via unanimous decision.

Base sa Senate Resolution No. 997, sinabi ni Angara na napanatili ni Pacquiao ang disiplina sa lona sa edad na 40 at nagpakita ng determinasyon na manalo sa laban. Mas bata si Broner ng 11-taon kay Pacman.

“Ang panalong ito ni Senador Manny ay hindi lamang dagdag sa kanyang mga parangal para sa kanyang hall of fame legacy. Magsisilbi rin itong inspirasyon sa bawat Pilipino na maging determinado at huwag sumuko sa anumang laban. Para sa mga atleta, kailangang tularan ninyo si Sen. Manny sa kanyang pagsisikap at darating ang araw na kikilalanin din kayo sa buong mundo, tulad niya,” anang senador.

Sa iskor na 117-111 ni Judge Dave Moretti at 116-112 parehas nina Tim Cheatham at Glen Feldman, nakopo ng boxing senator ang ika-61 niyang panalo, na may 39 knockout.

Agad namang nagpadala ng kanyang pagbati si Angara matapos ang panalo ng kasamahang senador.
“Congratulations, Senator Manny! Salamat at muli, binigyan mo ng karangalan ang ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Muli mo ring pinatunayan na isa ka sa pinakatangi-tanging boksingero sa ating kasaysayan,” ani Angara.

Si Pacquiao ang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Sports at si Angara ang kanyang vice chair.