Maraming anggulo ngayon ang tinitingnan na motibo ng Parañaque City Police sa ginawang pag-atake at pagsunog ng apat na armadong hindi pa nakikilalang lalaki na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo sa planta ng pahayagang Abante/Tonite sa Barangay San Isidro, Parañaque City nitong Lunes nang madaling-araw.
Sa panayam kay Police Sgt. Napoleon Mallari, Station Investigation and Detective Management Branch ng Parañaque City Police, may hawak ng kaso, mahigit sa 10 anggulo ang kanilang tinitingnan na motibo sa naganap na pagpasok at pagsunog sa planta ng mga nasabing pahayagan na pag-aari ng Prage Management Corporation, na matatagpuan sa No. 8272 Fortuna Buliding 1, Vitalez Compound, Barangay San Isidro, Sucat, ng nasabing lungsod.
Sinabi ni Mallari na ilan sa kanilang tiningnang posible sa mga empleyado na nakaalitan, tinanggal sa trabaho, threats, management, pamamalakad sa kompanya, negosyo, may nakaaway o nakaalitan, mga pina-publish sa diyaryo.
“Kung talagang gustong sunugin ang buong planta ay puwedeng pasabugin na lang ito. Pero sa nakikita namin ay nanakot ang mga ito,” ani pa ng opisyal.
Samantala, kinondena sina Senador Sonny Angara at Senador Risa Hontiveros ang ginawang pananakot at pagsunog ng apat na armadong kalalakihan sa planta ng pahayagang Abante sa Parañaque City, Lunes nang madaling-araw.
“We condemn in the strongest possible terms the attack against Abante and Abante-Tonite. These acts of violence have no place in a democratic society such as ours,” pahayag ni Angara kahapon.
“We encourage the Philippine National Police to get to the bottom of this incident and charge the people behind it. The freedom of the press is a vital element of our democracy and we must not allow any act that will curtail this,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Hontiveros na hindi katanggap-tanggap ang ginawang pag-atake sa planta ng Abante lalo na sa panahong kaliwa’t kanan ang atake sa malayang pamamahayag o press freedom.
“Nananawagan ako sa mga awtoridad na masusing imbestigahan ang pangyayaring ito na nagresulta hindi lamang ng pagkasira ng mga mahahalagang kagamitan ng pahayagan kundi pati ng pagkasugat ng ilan sa kanilang security personnel,” sabi ni Hontiveros, na isa mga kolumnista sa Abante.
“Nananawagan din ako sa publiko, partikular na sa mga mamamahayag at empleyado ng Abante, na maging mahinahon ngunit mapagmatyag habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidenteng ito,” saad pa ng senadora.