tonite-no-thanks-cristy-fermin
INIREREKLAMO pala ng kanyang mga kasamahang artista ang bigat ng mga kamay ng isang magandang female personality. Bigay na bigay raw kasing manampal ang aktres, parang tinototoo niya ang mga eksena, hindi niya alam ang cinematic na atake lang.

Pero may pinanggagalingan pala ang kanyang ginagawa, minsan na pala siyang nasaktan nang makaeksena ang isang nagkokontrabidang aktres, halos mabingi raw siya nang mangyari ‘yun.

Kuwento ng aming source, “May kaartehan kasi ang babaeng ito, super-arte siya, kaya nabuwisit sa kanya ang kaeksena niyang kontrabidang ­aktres.

“Nag-ensayo na sila ng eksena nilang sampalan, nilinaw na ng direktor kung saan siya sasampalin, pero nag-iinarte pa rin siya. Kung anu-ano pa rin ang itinatanong niya, binubusisi pa rin niya ang magiging eksena nila ng character actress.

“Ayun! Nu’ng sampalin na siya ng kaeksena niya, e, halos mabingi na raw siya, tinotoo raw kasi ang pagsampal sa kanya! Napakalinaw raw naman ng sinabi ni direk na huwag lalakasan ang sampal sa kanya, pero ganu’n pa rin ang nangyari!” kuwento ng aming impormante.

Mula nu’n ay parang bumigat na rin ang mga kamay ng magandang female personality, para na siyang naghihiganti, kaya wala na sa bokabularyo niya ang cinematic chuchu na ‘yan.

“‘Yung isang nakaeksena niyang aktres, e, nagreklamo, kasi nga, instead na daplis lang ang ibinigay niya, napakalakas talaga! Nu’ng makarating ‘yun sa girl, ang sabi lang niya, ‘Ayaw niya ba ‘yun? Mas gumaling ang acting niya dahil sa lakas ng sampal ko!’

“Para kasing hindi niya magagawang manakit dahil parang napaka-fragile ng dating niya. Pero kahit ang isang young actress na nakaeksena niya, e, nawindang, ang lakas-lakas kasi ng pagsampal niya sa bagets!

“Naku, huwag lang sanang makarating ang kuwentong ito sa isang kontrabidang aktres dahil baka kapag nagkasama sila sa isang sampalang eksena, e, manghiram siya ng mukha sa aso!

“Naiinis ‘yun sa maarteng artista, promise, hindi puwede ang kaartehan niya sa kontrabidang aktres na ‘yun!” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Yam gustong ingudngod sa semento

SA tunay na buhay ay mahiyain si Yam Concepcion. Pangiti-ngiti lang siya, tahimik lang, malayung-malayo sa role na ginagampanan niya sa seryeng “Halik.”

Pero dahil propesyonal siyang artista ay kailangan niyang ibigay ang hinihingi sa kanya ng papel na binibigyang-buhay niya sa serye. Ang pangiti-ngiti lang at tahimik na dalaga ay naging malandi, kaliwete at sinungaling.

Ang dami-dami naming nakakausap na tumututok sa serye na gusto siyang sampal-sampalin. Ingungudngod daw siya sa semento ng isang kakuwentuhan namin dahil sa kanyang kalandian.

At kung gaano kalaki ang galit nila kay Yam Concepcion ay ganu’n na lang ang kanilang pakikisimpatya sa role ni Jericho Rosales na iniiputan sa ulo ng kanyang misis.

“Ang galing-galing talagang umarte ni Jericho! Siya talaga ang pinakamagaling na artista ng ABS-CBN! Kahit anong role ang ibigay sa kanya, lumulutang ang pagi­ging aktor niya!” papuri pa kay Echo ng kaibigan naming propesor.

Nagtagumpay ang Dos sa pagbibigay ng seryeng “Halik,” apektado ang publiko sa mga eksenang ihinahain nila, kuhang-kuha nila ang atensiyon ng manonood.

Pinepersonal nila si Yam na makati pa raw sa higad, gusto nilang saktan ang magandang aktres, dahil sa sobrang pananakit sa kanyang mister.

Tagumpay ang serye, pinag-uusapan maging sa social media ang palabas tuwing natatapos, walking advertisement ang social media para sa ABS-CBN.