Kinakalampag ngayon ang Department of Tourism (DOT) ­dahil sa sangkaterbang mga basurang iniwan ng mga turistang nakisaya sa “Laboracay”.

Ang “Laboracay” ay ang Labor Day weekend event sa isla ng Boracay na dinayo ng mga turista.

Pero nakakalungkot na pagkatapos ng nasabing pagtitipon ay iniwan na lamang ang baybayin ng Boracay na kilala dahil sa “white sand” na punum-puno ng food wrappers, upos ng ­sigarilyo, plastic bags at botelya.

Ang pagpuna sa iniwang basura ng “Laboracay” event ay ­inilutang ng mga residente ng Boracay katuwang ang ilang ­environmental advocates na nadismaya sa bumungad na tanawin ng apat na kilometrong baybayin ng Boracay na nagmistulang ­basurahan matapos ang party.

Sayang ang potensyal ng Boracay bilang isang top tourist ­destination kung hahayaan nating masira ang ating kapaligiran.

Naniniwala ­kaming ­tayong mga Pinoy ay mapagmahal at maalaga sa kalikasan at kayang-kaya nating itong ituro sa ating mga ­bisita sa maraming paraan katulad ang mahigpit na implementasyon ng ­batas laban sa mga walang pakundangan magtapon ng basura kung saan-saan.

Mainam din ang pagpapatupad ng mas malawak at ­makabuluhang information campaign na magpapakita ng magandang ­maidudulot ng pangangalaga sa kalikasan.

Pero ang lahat ng inisyatibong ito ay dapat ding tinututukan ng DOT.

Dapat maitanim sa isipan ng mga taga-DOT na hindi ­lamang pang-eengganyo sa mga turista ang kanilang trabaho kundi ­bahagi rin ang pagpapanatili nila ng kalinisan ng mga lugar na ­pinagdadausan ng mga aktibidad.